Kinumpirma ni Senate Committee on Finace chairperson Sen. Grace Poe na matapos ang gagawing briefing ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC) tungkol sa panukalang 2025 budget sa August 13 at 14 ay magsisimula na ang committee hearings tungkol sa panukalang pondo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Poe, target isagawa ang mga committee hearing mula August 15 hanggang October 18.
Magkakaroon ng 15 vice chairman ang Senate Committee on Finance na mamumuno sa mga subcommittee na mangangasiwa sa panukalang pondo ng government agencies at offices.
Sinabi ng senadora na sisikapin nilang maipresenta sa plenaryo ng Senado ang panukalang 2025 budget sa Nobyembre, matapos ang kanilang magiging session break.
Inaasahan namang maipapasa sa ikatlo at huling pagbasa ang budget sa unang linggo ng Disyembre.| ulat ni Nimfa Asuncion