Bukas si Senate President Chiz Escudero na suportahan ang mungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian na sampahan ng kasong kriminal si suspended Mayor Alice Guo dahil sa hindi pagsunod sa contempt at arrest order ng Senado.
Inirerekomenda kasi ni Gatchalian na sampahan ng kasong paglabag sa article 150 ng revised penal code si Guo – ito ang batas na nagtatakda ng parusa sa hindi pagsunod sa summon o pagpapatawag sa pagdinig ng Kongreso o constitutional commissions.
Ayon kay Escudero, pwede itong gawin pero kailangang maghain muna ng reklamo sa piskalya.
Pwede aniyang pag-aralan ng Senate legal kung sino ang pwedeng maghain ng naturang kaso.
Paliwanag ng Senate president, kailangan kasi na may complaint affidavit na susumpaan ng indibidwal na maghahain ng reklamo.
Dapat aniyang ang maghahain ng reklamo ay may personal knowledge tungkol sa kaso, maaaring si Senador Gatchalian o empleyado ng Senate committee na dumidinig sa isyu kay Mayor Alice. | ulat ni Nimfa Asuncion