Balik-bansa na ang may 85 Pilipino na inilikas ng pamahalaan matapos maipit sa sumiklab na civil war sa Sudan.
Batay sa abiso ng Manila International Airport Authority (MIAA) Meda Affairs Office, alas-12:48 ng tanghali ngayong araw nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang Saudia Airlines flight SV862 mula Riyadh.
Sakay nito ang may 59 na overseas Filipino workers (OFWs), isang estudyante kasama ang may 25 nilang dependents.
Sinalubong sila ng mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW) gayundin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sumailalim ang mga ito sa debriefing at saka binigyan din ng pagkain gayundin ng inumin.
Batay sa abiso ng DMW, makakatanggap ang mga umuwing OFW ng P50,000 financial assistance mula sa kagawaran bukod pa sa karagdagang P50,000 mula naman sa OWWA pagdating sa kani-kanilang destinasyon. | ulat ni Jaymark Dagala