Suportado ng liderato ng Kamara ang plano ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na irekomenda kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na babaan ang contribution rate ng mga miyembro nito.
Mayroon kasing P500 billion na reserve fund ang PhilHealth para pantustos sa benepisyo ng lahat ng mga miyembro nito gayundin sa ilan pang dagdag benepisyo na inanunsyo ni Pangulong Marcos sa kaniyang state of the nation of address (SONA).
Ayon kay House Committee on Dangerous Drugs Chair at Surigao del Norte Representative Ace Barbers, magandang hakbang ito dahil kasabay ng pagbaba sa kontribusyon ay darami naman ang benepisyo.
“Ako para sa akin napakagandang development din yan. Liliit ang contribution pero ang serbisyo ay dadami at lalaki. Yun ang pangako ng PhilHealth. Ang tignan natin dito yung added services saka added benefits na pinatutupad ng PhilHealth ngayon upon the orders of the President. Kung natandaan ninyo nung SONA nabanggit niya na mas maraming klaseng gamot ang pwede na ma-charge natin sa PhilHealth. Napakagandang development nito dahil ang ating mahihirap na mga kababayan na may karamdaman ay hindi na mahihirapan ma-access ito dahil may PhilHealth na magbibigay ng ganitong klaseng mga benepisyo.” Sabi ni Barbers
Pinuri din ni Deputy Speaker David Suarez ang plano ni PhilHealth President Emmanuel Ledesma.
Napapanahon aniya ito lalo at mismong ang liderato ng Kamara, sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez ay nagtulak na mapalawig ng ilan sa PhilHealth coverage gaya ng sa dialysis.
“napakaganda and welcome development ito para sa ating lahat dahil it’s efficiency. It’s spending less but getting more…ito pong pagbawas ng contribution, I think this is a very welcome benefit, especially we’re looking into additional services contributors can benefit from the PhilHealth.” giit ni Suarez
Para naman kay Assistant Majority Leader Ernesto Dionisio, malaking tulong ito sa mga Pilipino lalo na at karamihan sa bayarin gaya ng kuryente at tubig at tumataas.
“Yung mga dinadaanan ng mga Filipino laging dagdag ng dagdag ng gastos. Kuryente, tubig, tuition fee. So it’s a welcome development na pagbawas naman. So lesser contribution means more savings of the Filipino people. And at the same time, hindi naman mababawasan ang serbisyo ng PhilHealth.” Saad ni Dionisio. | ulat ni Kathleen Forbes