Iginiit ni Senador Juan Miguel Zubiri na malaking tulong sa defense posture ng Pilipinas ang $500 million dollar military aid ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Ayon kay Zubiri, partikular itong makatutulong sa pagdepensa ng Pilipinas sa ating mga teritoryo at sa pagpapanatili ng kapayapaan sa Indo-Pacific Region.
Kasabay nito, hindi aniya dapat ituro ang aksyon na ito na pang uudyok sa ating mga kalapit bansa. Bagkus, dapat aniya itong ituring na hakbang sa pagtitiyak ng kapayapaan sa rehiyon.
Pinunto ng dating Senate president na sa ilalim ng kanyang pamumuno sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso, naglaan ang Senado sa 2024 General Appropriations Act (GAA) ng higit ₱6 billion pesos sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at ₱2.8 billion pesos sa Philippine Coast Guard (PCG) para sa modernisasyon ng mga ito.
Sa kabila nito, aminado si Zubiri na kulang ang pondong ito dahil sa iba pang mga pangangailangan ng bansa kaya naman welcome ang tulong mula sa U.S. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion