Nananatiling matatag ang presyo ng bigas sa Pasig City Mega Market at sa katunayan ay piso lamang ang diperensya nito sa ₱45 na kada kilo ng bigas na ibinebenta ngayon sa piling Kadiwa stores.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, makikitang may nakapagbebenta pa rin ng ₱46 na kada kilo ng well-milled rice na nagmula pa sa Isabela.
Pero ayon sa ilang nagtitinda ng bigas, paubos na ang kanilang suplay ng murang bigas kaya’t dapat na itong samantalahin ng mga mamimili.
Naapektuhan din kasi ng nagdaang bagyong Carina at habagat ang mga rice mill doon kaya’t inaasahan na nilang magtataas na ang presyo ng bigas sa mga susunod na linggo
Batay sa kanilang pagtaya, maglalaro sa ₱30 hanggang ₱50 ang posibleng itaas sa kada sako ng bigas at posible pang tumaas ito kung masusundan pa ang masamang panahon. | ulat ni Jaymark Dagala