Umakyat na sa ₱276-million ang halaga ng tulong na naipaabot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lugar na sinalanta ng habagat at Bagyong Carina.
Ayon sa DSWD, aabot na rin sa higit isang milyong family food packs ang naipaabot nito sa mga apektadong residente sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at Bicol Region.
Sa kasalukuyan, kabilang rin sa ipinamamahagi ng DSWD ang mga humanitarian aid donations na mula sa United Arab Emirates (UAE).
Bukod sa food packs, nagsimula na ring mamahagi ng tulong pinansyal ang mga DSWD Field Office sa mga pamilyang nasiraan ng bahay dahil sa epekto ng bagyong Carina.
Ang bawat pamilya ay nakatanggap ng tig-₱20,000 bilang tulong pinansyal upang makatulong sa kanilang agarang pangangailangan at pagbangon mula sa kalamidad.
Kaugnay nito, as of 6am naman, umabot pa sa higit 1.3 milyong pamilya o 4.6-milyon na indibidwal ang naapektuhan ng habagat at bagyong Carina.
Habang aabot naman sa 5,000 pang pamilya o katumbas ng higit 19,000 na indibidwal ang pansamantalang nananatili ngayon sa higit 150 pang evacuation centers. | ulat ni Merry Ann Bastasa