Positibo ang tingin ng pamunuan ng Philippine Reclamation Authority (PRA) sa ikinakasang imbestigasyon ng ilang mambabatas sa mababang kapulungan patungkol sa nangyaring pagbaha sa kalakhang Maynila kung saan ang ginagawang reklamasyon sa Manila Bay ang itinuturong dahilan.
Ayon kay PRA Assistant General Manager, Atty. Joseph Literal, ang nakaambang na imbestigasyon ay magbibigay sa kanila ng isang oportunidad para makatrabaho ang mga mambabatas para lalong ayusin ang mga existing legislation o batas pagdating sa reclamation and development partikular sa Manila Bay.
Handa rin aniya ang kanilang ahensya na magbigay ng paliwanag na totoo at nakabatay sa siyensa at kung papaano matitiyak ang sustainable development sa pamamagitan ng reclamation projects.
Matatandaang una nang nagsampa ng resolusyon ang Kabataan Partylist sa Kamara para tingnan ang sinasabing pananagutan ng reclamation projects sa nangyaring pagbaha sa Metro Manila matapos ang hagupit ng Bagyong Carina at nasabayan pa ng habagat. | ulat ni Lorenz Tanjoco