Mahigpit na babantayan ng liderato ng Kamara na wala nang mangyaring surprise realignment ng pondo ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa 2025 national budget.
Ani deputy speaker David Suarez babantayan nila ang bawat bahagi ng budget process upang maiwasang mailipat ang pondo ng 4Ps gaya na lang ng nangyari noong 2023.
Dahil sa ginawang realignment ng budget nasa 4.3 milyong 4Ps beneficiaries ang hindi nakatanggap ng tulong
“Hindi iyon nangyari sa Congress. When that budget was approved in the GAB, that fund was intact. Somewhere along another way, nabawasan po iyon. At kung titingnan po natin, meron pong ongoing House investigation po dito para malaman kung ano ang naging epekto ng bawas na iyon,” sabi ni Suarez
Paalala ni Suarez mismong ang Pangulong Marcos Jr. ay binigyang halaga ang 4ps program nang kilalanin nito ang success story ng dalawang 4Ps beneficiaries.
Nangako rin si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na hindi na maulit ang insidente dahil ang tulong na dapat na matanggap tao, ay sisiguruhing makakarating sa kanila.
“Somewhere along the way, yung pondong nakalaan para sa beneficiaries ng 4Ps eh napunta sa iba. So ngayon sa ating budget season, we will make sure na this would not happen kasi kung anu yung para sa tao, yun ang dapat nating ideliver sa tao,” ani Barbers
Sa panig naman ni Manila Rep. Ernesto Dionisio, na ilalaban niya na hindi magalaw ang pondo ng 4ps at kung maaari ay madagdagan ito dahil marami rin sa kaniyang distrito ang nakikinabang sa programa.
“Ako naman, sa amin sa Tondo sa Maynila, maraming benepisyaryo ang 4Ps. So, ako talaga, I will fight tooth and nail para hindi mapalitan. Dapat nga, mas madagdagan pa natin,” wika ni Dionisio
Sa ilalim ng 2025 National Expediture Program pinaglaanan ang 4Ps ng P114.2 billion na pondo. | ulat ni Kathleen Forbes