Mas nais ni House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda na taasan na lang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang benefit package nito kaysa babaan ang halaga ng kontribusyon ng mga miyembro.
Ayon kay Salceda, mayroon naman sobrang P500 billion na pondo ang PhilHealth para dito.
Batay pa sa pagtaya ng House tax chief, mangangailangan ng P1.8 trillion ang PhilHealth para sagutin ang catastrophic health needs lalo na para sa senior citizen.
At ang naturang excess fund na P500 billion ay kayang saluhin ang 10% ng catastrophic health care needs.
Dahil naman dito, hihingin ni Salceda sa PhilHealth ang plano kung paano gagamitin ang sobrang pondo para sa mas maayos na healthcare package at pagbabayad ng overdue payables nito.
Matatandaan na sinabi ni PhilHealth President Emmanuel Ledesma na irerekomenda niya kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bawasan ang halaga ng premium contribution na binabayaran ng mga PhilHealth member. | ulat ni Kathleen Forbes