Tumangging magbigay ng espekulasyon si Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea (WPS), Rear Admiral Roy Vincent Trinidad kung bakit wala silang na-monitor na Chinese vessel kasabay ng katatapos lamang na Maritime Cooperative Activity (MCA) sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa WPS.
Ito ang sinabi ni RAdm. Trinidad kasunod ng ulat ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office Chief Colonel Xerxes na matagumpay na nagtapos kahapon ang sabayang pagpatrolya ng USS Mobile (LCS26) ng US Navy at BRP Ramon Alcaraz (PS16) sa Kanlurang karagatan ng Palawan, kung saan walang nakita o na-monitor sa radar na barko ng China.
Maaalalang sa mga nakaraang MCA ay may mga namataang Chinese vessels na nag-“shadow” sa sabayang pagpapatrolya ng Philippine Navy at mga kaalayado.
Samantala, sinabi ni Trinidad na ang MCA ay magiging bahagi na ng regular na aktibidad ng Philippine Navy kasama ang mga “like-minded navies” habang patuloy na pinapalakas ng Sandatahang lakas ang kanilang kapabilidad. | ulat ni Leo Sarne