Pormal nang pinaiimbestigahan ni SAGIP Party-list Representative Rodante Marcoleta ang offshore account na iniuugnay kay Commission on Elections (COMELEC) Chairperson George Garcia.
Salig sa House Resolution 1827, inaatasan ang angkop na komite sa Kamara na magsagawa ng investigation in aid of legislation sa posibleng bribery at korapsyon sa pagitan ni Garcia, Miru System na bagong service provider para sa automated election at local partners nito.
Sa ipinatawag na pulong balitaan ni Marcoleta, ibinunyag nito na sa pamamagitan ng tulong ng kanilang volunteers natukoy na dalawa sa nadiskubreng offshore account na iniuugnay sa pinuno ng poll body ay nakapangalan nga kay Garcia.
Partikular dito ang nasa Cayman Island.
Nagpadeposito aniya sila ng tig US$100 sa naturang volunteer sa New York gamit ang Chase for Business ng JP Morgan, at dito nakumpirma na nakapangalan sa isang George Erwin Mojica Garcia ang naturang account.
Sinabi rin ni Marcoleta na 22 sa 49 na offshore account na ito ay sarado na.
Kaya naman nasa kamay na aniya ngayon ni Garcia na maglabas ng pruweba para pasinungalingan ito.
Humirit din si Marcoleta na mas mabuti kung magbitiw na lang ang opisyal sa pwesto. | ulat ni Kathleen Forbes