Ibinunyag ni Senate Committee on Women Chairperson at Senadora Risa Hontiveros ang pagkakakilanlan ng Chinese na natagpuan sa isang bahay sa Tuba, Benguet.
Matatandaang ang naturang bahay ay sinabi ni Atty. Harry Roque na pagmamay-ari ng isang korporasyon na mayroon siyang interes.
Sa dokumentong ibinahagi ni Hontiveros, kinilala ang naturang Chinese national na si Sun Liming, isang bigating pugante na nasa Red Notice ng Interpol.
Ayon sa PAOCC, IT manager si Liming ng Lucky South 99, ang POGO hub na na-raid sa Pampanga.
Giit ng senadora, nakakabahala ang dami ng mga dayuhang kriminal na nasa bansa dahil sa POGO.
Tiniyak ni Hontiveros na kahit pa nagbaba na ng direktiba si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na i-ban na ang mga POGO ay patuloy silang gagawa sa Senado ng mga panukala para matiyak na hindi na makakabalik ang operasyon ng POGO industry sa Pilipinas. | ulat ni Nimfa Asuncion