Inaasahang mas mabilis ang paglago ng ekonomiya ngayong second quarter ng taon ayon kay Department of Finance Secretary Ralph Recto.
Sa panayam kay Recto, sinabi nito na positibo siya na mas mataas ang paglago sa pangalawang bahagi kumpara sa 1st quarter ng 2024.
Nasa 5.7 percent ang gross domestic product (GDP) growth nung first quarter dahil sa mabagal na consumption at paggasta ng gobyerno.
Ayon kay Recto, umaasa siya na mas mataas sa 6 percent ang paglago dahil sa mas mataas na consumption, government spending, at lower inflation.
Samantala, gaya ng inihayag ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona na mas mataas na inflation ngayong buwan ng Hulyo, sinabi ng kalihim na inaasahan niya na mas mabilis ang paggalaw ng inflation rate ngayong July dahil sa epekto ng bagyong Carina pero mananatili pa rin sa target range hanggang matapos ang taon.
Sa August 8, nakatakdang ilabas ng Philippine Statistics Authority ang second-quarter GDP growth data. | ulat ni Melany Valdoz Reyes