Bilang pag-iingat, patuloy na pinapayuhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang publiko na huwag kainin ang mga isdang nahuli mula sa mga lugar na may nakitang oil slick o pagkalat ng langis mula sa oil tanker na MT Terranova sa Limay, Bataan.
Ayon sa BFAR, ito ay para maiwasan ang banta ng food poisoning dahil sa posibleng kontaminasyon ng langis sa isda.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang ginagawang fish sampling ng BFAR o pagsuri ng mga isda sa mga apektadong lugar sa Central Luzon CALABARZON, at National Capital Region (NCR) para sa sensory evaluation upang malaman kung may bakas ng langis at grasa, at laboratory testing para matukoy kung kontaminado ang mga isda at iba pang pagkaing dagat.
Batay sa inisyal na pagsusuri, ang mga isdang nakuha mula sa Noveleta at Rosario sa Cavite ay nagpakita ng ilang antas ng kontaminasyon ng petrochemicals, habang ang mga sample naman mula sa Tanza, Cavite City, at Naic ay nananatiling ligtas sa petrochemicals.
Tuloy-tuloy rin ang pagbabantay sa catch landings at market inspection upang masiguro ang kalidad ng mga isdang dinadala sa mga palengke.
Gayundin ang ground validation sa mga apektadong lugar, kasabay ng pag-validate ng mga apektadong mangingisda.
Una nang nagpatupad ang Bataan LGU ng fishing ban sa Limay, Bataan habang no-catch zone naman ang ipinatupad sa lalawigan ng Cavite. | ulat ni Merry Ann Bastasa