Natuloy na ngayong Lunes, August 5, ang pasok sa ilang mga pampublikong paaralan sa Quezon City na naurong ang balik-eskwela dahil sa epekto ng bagyong Carina at habagat.
Kabilang dito ang Masambong High School na may higit 1,000 enrollees ngayong pasukan.
Hindi natuloy ang maagang flag raising ceremony sa naturang eskwelahan dahil sa maulang panahon kaninang madaling araw.
Ayon kay Principal Jet Gellecanao, dumiretso na sa classroom ang mga estudyante kung saan diretso na sila sa regular classes.
Tiniyak naman ng Principal na naayos na ang karamihan ng mga pasilidad sa eskwelahan lalo na sa mga classroom.
Handa naman ang eskwelahan na magsagawa ng saturday classes para makahabol sa mga araling hindi natalakay dahil sa epekto ng habagat.
Bukod sa Masambong HS, kabilang sa balik-eskwela na sa QC ngayong araw ang Betty Go Belmonte Elementary School, Masambong Elementary School, at Sergio Osmeña Sr. High School. | ulat ni Merry Ann Bastasa