Nagpasalamat si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. sa Congressional Oversight Committee on Agriculture and Fisheries Modernization (COCAFM) sa pagsuporta nito sa panukalang extension ng Rice Tarrification Law (RTL), partikular ang amendment na triplehin ang pondong ilalaan para sa mga magsasaka.
Ayon sa kalihim, mahalaga ang pagrepaso sa RTL para makamit ang hangarin ng adminstrasyong Marcos na isang food-secure Philippines, kung saan higit na makikinabang ang mga magsasaka.
Kailangang-kailangan din, aniya, ang karagdagang suporta sa mga magsasaka sa tulong ng mechanization at mas mataas na seed production.
Itinutulak ni Sec. Tiu-Laurel na magamit ang RCEF funds sa mga proyektong gaya ng solar irrigation, water impounding, soil testing, at pest control.
Kasama rin sa mungkahi ng kalihim sa ilalim ng revised RTL ang pagbibigay kapangyarihan sa DA na makialam sa merkado at mapatatag ang presyo ng bigas.
Kasunod nito, muling tiniyak ni Sec. Tiu-Laurel na walang dapat ikabahala sa ipinatutupad ngayong tapyas taripa sa imported na bigas dahil dadaan naman ito sa review kada apat na buwan kung saan posible pa ring irekomenda ang tariff hike. | ulat ni Merry Ann Bastasa