Muling tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kahandaan nito sa pag-alalay sa mga mag-aaral, magulang, at guro ngayong full-blown na ang pagbabalik-eskuwela ngayong araw.
Iyan ang inihayag ng PNP kasunod ng pagbubukas ng klase sa mga paaralang naapektuhan ng nagdaang kalamidad gayundin ang mga ginamit bilang evacuation center.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Col. Jean Fajardo, bagaman nasabay sa Unity Walk ng ilang transport group ay hindi naman sila magbababa ng kalasag at paiigtingin pa rin nila ang Police visibility sa paligid ng mga paaralan.
Sa ngayon, sinabi ni Fajardo na mayroon silang humigit kumulang 3,600 na mga Public Assistance Desk na inilatag upang maging takbuhan ng publiko sakaling magkaroon ng emergency.
Katuwang ng Pulisya ayon kay Fajardo ang mga force multiplier at security personnel ng bawat paaralan kung saan, isinailalim ang mga ito sa orientation upang agad masupil ang posibilidad ng krimen sa loob o labas ng eskuwelahan. | ulat ni Jaymark Dagala