Inihayag ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation (PAPA) Secretary Larry Gadon ang aniya’y gastos ng pamahalaan sa security detail ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gadon na pumapalo aniya sa mahigit kalahating bilyong piso ang ginagamit na pondo para sa Pangalawang Pangulo.
Binigyang-diin ng kalihim na sa nakalipas na dalawang taon, sumusuweldo aniya ng tinatayang tig-₱50,000 kada buwan ang nasa 433 na miyembro ng Vice Presidential Security Protection Group (VPSPG).
Idinagdag pa ni Gadon na may mga datos ding nagpapakita na gumastos umano ang Bise Presidente ng ₱55 milyon mula 2022 hanggang 2024 para sa Special Duty Allowances ng Military at Uniformed Personnel.
Nabatid na humihingi ng ₱2 bilyong pondo ang Office of the Vice President (OVP) para sa 2025 budget o walong porsyentong mas mataas kumpara sa nakalipas na taon. | ulat ni Jaymark Dagala