Binigyang diin ng mga senador na gusto lang nilang maisaayos ang public transport modernization program o ang dating PUV (public utility vehicle) modernization program kaya isinusulong nila itong masuspinde muna.
Ito ang paglilinaw ng mga senador kaugnay ng pinirmahan nilang resolusyon na nananawagan ng suspensyon ng naturang programa.
Ayon kay Senador JV Ejercito, ilang taon na ang programa pero hindi pa rin nareresolba ang mga isyu sa mandatory consolidation ng mga prangkisa, rationalization ng ruta at ang mataas na presyo ng mga modern jeep units.
Iginiit naman ni Senador Sherwin Gatchalian na magiging mainam na panahon ang suspensyon para mapag-aralan kung paano tutulungan ang mga driver at operator sa mga hinaing nila tungkol sa programa.
Samantalang ipinaliwanag naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na sa panawagan nilang suspensyon ay nais nilang huwag pilitin ang hindi nagko-consolidate at mapayagan pa rin ang mga ito na magkaroon ng prangkisa at makapagpasada hangga’t hindi naisasaayos ang programa
Habang sa mga sumunod naman na sa modernization program, pwede naman aniya nilang gamitin muna ang mga ito na pilot study o pag-aaral ng dalawang taon saka timbangin kung magiging matagumpay ang ganitong business model. | ulat ni Nimfa Asuncion