Naghain si Senate Majority Leader Francis Tolentino ng isang resolusyon na layong parangalan at batiin ng Mataas na Kapulungan si Filipino gymnast Carlos Yulo matapos nitong makakuha ng dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics.
Sa Senate Resolution 1102 ni Tolentino, sinabi nitong sa ipinakita ni Yulo na husay, walang tigil na pagsisikap at determinasyon ay magsisilbing inspirasyon at magandang halimbawa hindi lang sa mga kabataan kundi maging sa lahat ng mga Pilipino.
Ilang mga senador rin ang nagpaabot pa ng pagbati at papuri kay Yulo.
Sinabi ni Senadora Imee Marcos na ipinagmamalaki ng buong sambayanan ang tagumpay ni Yulo.
Ipinagpapasalamat rin nito ang pagbibigay inspirasyon sa mga kabataang Pilipino at lahat ng naghahangad na maisakatuparan ang kanilang mga pangarap
Ipinahayag naman ni Senador Juan Miguel Zubiri na habambuhay nang nakaukit sa kasaysayan ng Pilipinas ang binigay na karangalan sa bansa ni Yulo.
Sinabi naman ni Senador Robin Padilla na ipinamalas ni Yulo na hindi kailangang maging matangkad para matagumpay at makapagbigay ng dangal sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion