Natanggap na ng Manila Electric Company (MERALCO) ang kautusan mula sa korte na nagpapalawig ng Temporary Restraining Order (TRO) para sa Competitive Selection Process (CSP) ng pagbili ng kuryente.
Sa isang pahayag, sinabi ng MERALCO na ang TRO ay magdudulot ng 20 araw na pagkaantala sa kanilang mga aktibidad na may kaugnayan sa CSP.
Maaari itong makaapekto sa kanilang pagsisikap na makakuha ng mas murang suplay ng kuryente para sa kanilang mga customer.
Dahil dito, sinabi ng MERALCO na kanilang susuriin ang TRO at kokonsulta sa kanilang legal counsel upang malaman ang epekto ng pagkaantala ng bidding process, na maaaring magresulta sa mas mataas na singil sa kuryente.
Ang TRO ay tugon sa petisyon para sa injunction na inihain ng mga operator ng proyektong gas ng Malampaya laban sa Meralco bidding, na nakatakdang isagawa sa pamamagitan ng CSP nitong August 2 at September 3, 2024.
Sa utos na inilabas noong August 2, pinalawig ng korte ang TRO sa 20 araw matapos suriin ang mga salaysay at testimonya mula sa petitioner, na nagbabala sa posibleng pinsala ng bidding sa Malampaya gas at sa seguridad ng enerhiya ng bansa. | ulat ni Diane Lear