Patuloy ang pag-iimbestiga ng lokal na pamahalaan ng Sta. Cruz, Davao del Sur sa mga peke at iregular na birth certificate na inisyu o naibigay ng kanilang local civil registrar sa mga dayuhan.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, binahagi ni Sta. Cruz Mayor Jose Nelson Sala Jr. na bumuo na sila ng ad hoc committee na tututok sa pag-iimbestiga sa impormasyong talamak sa kanilang probinsya ang pagbibigay ng iregular na mga birth certificate sa mga dayuhan, kung saan karamihan ay mga Chinese.
Binahagi naman ng legal officer ng Sta. Cruz na si Atty. Ryonell Cabardo na mula 2016 hanggang 2023 ay natuklasan nilang umabot sa 1,501 na certificate of live birth (COLB) ang iregular na naibigay sa mga dayuhan.
Sa bilang aniyang ito, 54 ang napag-alamang walang Pilipinong magulang o kaya ay Chinese ang mga magulang na nakalagay sa naiisyung birth certificate.
Pinaliwanag ni Cabardo na sumentro ang kanilang imbestigasyon sa mga birth certificate na mayroong foreign national-sounding names at mga kulang ang attachments.
Aminado rin si Mayor sala na pati ang mga hilot o ang mga sinasabing nagpaanak sa mga kumuha ng late registration of birth ay hindi na rin nila makita o ‘ghost’ hilot.
May mga kaso rin aniya na iisang hilot lang ang nakalagay sa dokumento ng magkaibang indibidwal na ipinanganak ng magkaparehong araw sa magkalayong lugar.
Sa ngayon, ayon sa alkalde ay suspendido na ang local civil registrar na sangkot sa pagbibigay ng mga iregular na birth certificate.| ulat ni Nimfa Asuncion