Binigyang diin ni Senadora Grace Poe ang posibilidad ng malaking kaugnayan ng operasyon ng mga POGO at sa paglaganap ng mga text scams sa bansa.
Sa manifestation sa sesyon ngayong hapon, pinunto ni Poe na mula nang ipag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ganap na pagbabawal ng POGO operations sa bansa ay wala na rin masyadong nagpapadala ng mga text scams.
Nangangahulugan aniya ito na malaki ang kinalaman ng mga na-raid na POGO sa operasyon ng mga text scammers.
Gayunpaman, binigyang diin ng senadora na hindi pa dito natatapos ang lahat.
Kaya naman isinusulong niyang makapagpasa ng batas para tuluyan nang ipagbawal ang operasyon sa bansa ng mga legal o iligal na POGO at ng iba pang online platform na makakasama sa ating mga kababayan.| ulat ni Nimfa Asuncion