Walo sa sampung mga Pilipino ang pabor na ipagbawal ang paggamit ng mga cellphone sa mga paaralan.
Ito ang lumabas sa Pulse Asia survey na kinomisyon ni Senate Committee on Basic Education Chairman Senador Sherwin Gatchalian na isinagawa noong June 17 hanggang 24, 2024.
Sa 1,200 adult respondents na sinurvey sa buong Pilipinas, 76% ang pabor na magpatupad ng cellphone ban sa mga eskwelahan, 13% ang hindi pabor habang 11% ang undecided o hindi matukoy kung sang-ayon sila o hindi dito.
Ayon kay Gatchalian, ipinapakita ng survey na nakikita ng mga Pilipino ang maaaring maging benepisyo sa pagbabawal ng paggamit ng mga cellphone sa paaralan, lalo na’t nakakaapekto sa performance ng mga mag-aaral ang abalang dulot ng mobile phones.
Una nang inihain ni Gatchalian ang panukalang Electronic Gadget-Free Schools Act o Senate Bill 2706 na layong ipagbawal ang paggamit ng mga mobile devices at electronic gadgets mula Kindergarten hanggang Senior High School sa loob ng mga paaralan habang may klase. | ulat ni Nimfa Asuncion