Nakikipag-ugnayan na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Philippine Coast Guard (PCG) gayundin sa iba pang ahensya ng pamahalaan para bantayan ang sitwasyon sa West Philippine Sea.
Ito’y ayon sa AFP makaraang kumpirmahin nito ang presensya ng mga barko ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) ng China na bumubuntot sa mga kalahok sa Multilateral Maritime Cooperative Activity ng Pilipinas, Amerika, Australia, at Canada kahapon.
Kabilang sa mga bumubuntot sa mga barko ng magkaka-alyadong bansa ay ang Wuzhou Jiangdao 2nd Class Corvette, Huangshan Jiankai 2nd Class Corvette, at Qujing Jiangdao 2nd Class Corvette.
Gayunman, sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief, Col. Xerxes Trinidad na sa kabila ng presensya ng mga barko ng China ay wala naman silang naitalang anumang iligal na aktibidad nito maliban sa kanilang panghihimasok sa teritoryo ng Pilipinas.
Bagaman nagkaroon din ng pagsasanay ang mga barko ng China mula July 31 hanggang August 2, sinabi ni Trinidad na ginawa ito sa labas ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Sa kabila nito, muli namang tiniyak ni Trinidad na patuloy nilang itataguyod at ipagtatanggol ang soberenya ng Pilipinas sa naturang karagatan. | ulat ni Jaymark Dagala