Umarangkada na rin ang bentahan ng abot-kayang bigas sa National Irrigation Administration.
Kasunod ito ng paglulunsad ng P29 na kada kilong bigas na bunga ng Rice Contract Farming Program ng ahensya.
Sa ilalim nito, direktang sinuportahan ang nasa 40,000 ektarya ng sakahan sa layuning mapalago ang lokal na produksyon at kita ng mga magsasaka.
Bukod sa tulong sa farm inputs, binibili ng NIA ang nasa limang tonelada ng bagong aning palay ng mga benepisyaryong magsasaka.
Ayon kay NIA Administrator Eduardo Guillen, bilin ng Pangulo na masigurong uunlad ang mga magsasaka.
Sa ngayon, kasama sa pinupursige ng NIA ang pagpapaigting sa cropping para mas mapalago ang produksyon ng mga sakahan.
Ngayong araw, aabot sa 300 mga mahihirap na pamilya ang nakabili ng tig-10 kilong well-milled na bigas sa NIA Central Office sa Quezon City.
Bukod sa naturang tanggapan, may bentahan din ng murang bigas sa iba pang rehiyon gaya ng Central Luzon, Calabarzon at CARAGA.
Tuwang-tuwa naman ang mga mamimiling gaya ni Nanay Lydia na nasulit aniya ang pila para sa murang bigas.
Ayon sa kaniya, hindi na siya magtitipid pa sa saing ng kanin dahil sa halos doble ang natipid niya rito kumpara sa nabibili niya dati na P55 kada kilo sa palengke. | ulat ni Merry Ann Bastasa