Inihayag ni Department of Human Settlement and Urban Development Sec. Rizalino Acuzar solusyon ang sovereign guarantee na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang palakasin ang pagpapatayo ng mga pabahay sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) program.
Sa pagsalang sa budget briefing ng DHSUD, aminado si Acuzar na naging mabagal ang kanilang pagtatayo ng pabahay na dapat sana ay isang milyong bahay kada taon simula 2023 hanggang 2028.
Dahilan ng kalihim, ito ay dahil nahihirapan ang mga private sector partikular ang mga contractor na siyang unang tumataya sa pabahay program na mangutang sa Pag-IBIG at iba pang government financial institutions dahil sa napakaraming requirements.
Dahil dito, binuo nila ang sovereign guarantee na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para ang National Housing Authority at Social Housing Finance Corporation na ang siyang gagarantiyahan ng pondo.
Sa paraan na ito ayon kay Acuzar, government-to-government ang transaksyon, mababawasan ang gastos sa pagtatayo ng pabahay at kikita pa ang NHA at SHFC.
Napahanga naman si Senior Deputy Minority Leader at Northern Samar Rep. Paul Daza sa ideyang ito ng DSHUD upang epektibo nilang maipatupad ang kanilang mandato. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes