Binuksan na rin sa Marikina City ang Rice-for-All Program kung saan, maaari nang makabili ang sinuman ng P45 kada kilo ng bigas sa ilalim ng KADIWA ng Department of Agriculture (DA).
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, naabutan pa namin ang ilang nagtitinda sa Bagong Sibol Market sa Brgy. Nangka na nag-aayos pa ng kanilang mga paninda para sa pagbubukas ng KADIWA.
Una nang inihayag ng DA na limitado lamang ang maaaring bilhing bigas sa ilalim ng Rice-for-All program na nasa 25 kilo kada tao.
Maliban sa Rice-for-All, may mabibili rin ditong P29 kada kilo ng bigas para naman sa mga nasa vulnerable sector gaya ng senior citizenz, PWDs at solo parents.
Ganito rin naman ang sitwasyon sa Concepcion Uno Barangay Hall kung saan, ilang mga nasa vulnerable sector ang naghihintay na makabili ng murang bigas handog ng pamahalaan. | ulat ni Jaymark Dagala