Bukas si Education Secretary Sonny Angara na amyendahan ang Matatag Curriculum partikular sa usapin ng pagbabawas ng workload ng mga guro.
Sa panayam sa Senado matapos ang kanyang CA confirmation, sinabi ni Angara na pinakikinggan din niya ang mga komento tungkol sa Matatag Curriculum at isa na dito ang feedback na minsan ay wala nang nagiging pahinga ang mga guro.
Una nang pinahayag ng Alliance of Concerned Teachers na ang bagong curriculum ay magreresulta sa 30 percent na dagdag sa teaching load ng mga guro.
Binigyang diin ng kalihim na mahalagang nakakapagpahinga ang mga guro at hindi diretsong anim na oras silang nagtratrabaho.
Ipinaliwanag ng opisyal na ang six-hour teaching period sa ilalim ng Magna Carta of Public School Teachers ay ang maximum limit para sa mga guro.
Dahil dito, posible aniyang amyendahan nila ang curriculum sa mga susunod na panahon. | ulat ni Nimfa Asuncion