Selyado na ang pinakabagong alyansa ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isa sa pinakamatagal nang partido sa Pilipinas, ang Nacionalista Party (NP).
Sa talumpati ng Pangulo, kaniyang binanggit ang mga naunang alyansa nito kasama ang malalaking partido sa bansa na kinabibilangan ng Lakas CMD, Nationalist People Coalition (NPC), National Unity Party (NUP), para sa pagsagot sa tawag ng pagkakaisa o unity at para na rin umano sa preparasyon para sa 2025 midterm elections.
Ikinatutuwa naman ng Pangulo, na nagkakasama ang mga malalaking partido sa bansa para sa pagkakaisa para sa pagbabago ng buhay ng bawat Pilipino.
Umaasa rin si PFP President and South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. na magiging tuloy-tuloy na ang pagkakaisa sa pamamagitan ng ika-apat na alyansang ito kasama ang kanilang partido para hindi lamang umano sa susunod na eleksyon kung hindi pati na rin sa katuparan ng mga adhikain ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Isinawalat naman ni NP Spokesperson at Senior Member Surigao del Norte 2nd District Representative Robert “Ace” Barbers, na sa pamamagitan ng alyansang ito ay kanilang titingnan ang magiging senatorial line-up para sa midterm election sa susunod taon na kinabibilangan ng mga reelectionist na member ng NP. | ulat ni EJ Lazaro