Naniniwala si Senate President Chiz Escudero na premature pang maituturing na talakayin ng Supreme Court (SC) ang petisyon na inihain ni Senate Committee on Constitutional Amendments Chairperson Senador Robin Padilla tungkol sa charter change (chacha).
Matatandaang naghain si Padilla ng petisyon sa na humihiling sa Korte Suprema na resolbahin ang isyu ng pagboto ng dalawang kapulungan ng kongreso kaugnay ng pag amyenda sa Saligang Batas.
Nilinaw ni Escudero na ang naging hakbang na ito ni Padilla ay personal nitong desisyon at hindi siya kinonsulta tungkol dito.
Hindi rin naman aniya sinasabi ng senate president na pagsasayang lang ng oras ang petisyong inihain ni Padilla dahil bawat isa aniya ay may karapatan na gawin ito.
Binigyang diin rin ni Escudero, na ito ay kanyang personal na opinyon lang at bilang isang abugado ay hindi niya nais na pangunahan ang magiging desisyon ng SC tungkol dito.
Maging si Senate Minority Leader Koko Pimentel, na isa ring abugado, ay naniniwalang premature at hindi sakop ng hurisdiksyon ng SC ang petisyon ni Padilla.
Ayon kay Pimentel, ang paghingi ng declaratory relief ay maaaring ihain sa korteng mas mababa sa SC at hindi na dapat sayangin pa ang oras ng Kataas taasang Hukuman sa usaping ito. | ulat ni Nimfa Asuncion