Pinayuhan ng Light Rail Manila Corporation o LRMC, ang private operator ng LRT Line 1 ang nasa 200,000 na pasahero nito tuwing weekend na planuhin ang kanilang biyahe sa weekend partikular ang mga petsang Aug.17 -18, Aug. 24-27 at Aug. 31-Sept. 1.
Paliwanag ng LRMC, kailangang magkaroon ang nasabing mga pasahero ng mga alternatibong ruta at gamitin ang EDSA Bus Carousel, jeep at bus para makapunta sa kanilang mga pupuntahan.
Matatandaang pansamantalang sinuspindi ng LRMC ang commercial operation ng LRT-1 sa tatlong weekend ng Agosto bilang preparasyon sa nakatakdang pagbubukas ng LRT-1 Cavite Extension.
Ayon sa LRMC, nakipag-ugnayan na rin sila sa pamunuan ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board para sa mas maraming bilang ng mga bus na siyang inaasahang sasalo sa 200,000 weekend passengers ng LRT-1.
Nakipag-ugnayan na rin anila ang kanilang opisina sa MMDA para sa karagdagang traffic enforcers at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa crowd control measures.
Umaasa ang LRMC na mauunawaan ng kanilang mga mananakay ang kanilang pansamantalang suspensyon ng operasyon sa loob ng tatlong weekend. | ulat ni Lorenz Tanjoco