Mga aktibo at retiradong pulis, nagpahiwatig na gustong maging testigo sa imbestigasyon ng Kamara

Facebook
Twitter
LinkedIn

Ilang aktibo at retiradong pulis ang nagpahiwatig sa Kamara na nais nilang tumulong sa isinasagawang imbestigasyon sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Sa panayam kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, sinabi niya na marami ang nagpapadala ng feelers sa Quad Comm na maaaring makatulong sa pinag-isang imbestigasyon ukol sa POGO, drug trafficking at extrajudicial killings (EJKs).

Tiniyak naman ng mambabatas na dadaan sa vetting ang mga nagboboluntaryo na maging witness.

“Lahat po nang gustong magsabi ng katotohanan dito sa ating committee hearings na gagawin ng Quad Comm, welcome na welcome po ‘yan at ‘yan po ay tatanggapin natin. Nasa kanila po yan. Kung gusto nila mag-testify o magbigay ng information in an open hearing…o hindi kaya kung executive session, kung naniniwala sila na ‘yung kanilang informasyon na isi-share sa amin, merong national security implication,” ani Barbers.

Giit naman niya na hindi papayag ang komite sa mga nais magsiwalat ng impormasyon na may hihinging kapalit.

“Ngunit, wala po sanang kapalit na hinihingi. Dahil hindi po natin ito tolerate ‘yung mga kapalit. Ito po ay gawin natin para sa bayan. Hindi po ito para sa kung kanino man. Ito po ay para po sa ating mga kapwa Pilipino. Basta ang ating layunin dito, ang ating pakay ay ilabas ang katotohanan sa mga usapin ng bayan na dapat malaman ang ating sambayan ng Pilipino,” giit nya | ulat ni Kathleen Forbes