Pagbaba ng bilang ng text scams matapos i-ban ang mga POGO, patunay na target rin ng mga ito ang mga Pilipino – Sen. Gatchalian

Facebook
Twitter
LinkedIn

Binigyang diin ni Senador Sherwin Gatchalian na hindi lang mga dayuhang nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator o POGO ang biktima ng mga krimeng nagmula din sa kanila.

Pinunto ni Gatchalian, na ang pahayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na nababawasan na ang text scam matapos ipagbawal ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga POGO sa bansa, ay nagpapahiwatig na target din ng operasyon ng POGO ang mga Pinoy sa scamming activities.

Kaya naman ngayong ipinagbawal na ang mga POGO sa bansa, inaasahan rin ni Gatchalian na mas mababawasan pa ang bilang ng mga text scam at kung anu-ano pang online scam na nambibiktima sa ating mga kababayan.

Sa tulong rin ng POGO ban ay umaasa ang senador na magiging ligtas na ang online transactions at mapapabilis pa ang digital transformation sa Pilipinas.

Aniya, mahalaga ang cyber safety hindi lang para sa pagpapabilis ng paggamit ng digital technology sa bansa kung hindi para din makaakit pa tayo ng mas marami pang mamumuhunan. | ulat ni Nimfa Asuncion