Ipinanawagan ng Department of Health (DOH) sa mga leptospirosis patient na humanap muna ng ibang ospital maliban sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) kasunod ng pagtaas ng kaso ng nasabing sakit dahil sa bahang dulot ng nagdaang bagyong Carina at epekto ng habagat.
Sa kasalukuyan kasi ay ilang kumpirmado at pinaghihinalaang kaso na rin ng leptospirosis ang nasa NKTI. Kaya naman upang masigurado ang maayos at mabilis na paggamot sa mga pasyente ay hinihikayat nito ang mga healthcare provider na idirekta ang mga pinaghihinalaan o posibleng kaso ng leptospirosis sa mga kalapit na ospital na may sapat ding kakayahan.
Aktibo naman ang isinasagawang assessment ng health department sa sitwasyon upang masiguro ang epektibong pagtugon sa banta ng sakit na leptospirosis.
Nagbigay naman ang DOH ng mga contact number para sa koordinasyon at referral ng mga pasyente. Maaaring tawagan ang DOH Metro Manila Center for Health Development sa (02) 8531-0037 o (0920) 283-2758. Gayundin, sa DOH Central Hotline sa 1555 at pindutin ang 2 para sa karagdagang tulong. | ulat ni EJ Lazaro