Hindi na tuluyan pang nakapasok ng bansa ang tatlong Amerikano matapos maharang ang mga ito ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) sa magkakahiwalay na paliparan sa nagdaang linggo dahil sa sangkot umano ang mga ito sa sex crimes.
Noong August 1, naharang ang isang James Nicholas Ibach, 36-anyos, na lumapag sa Mactan-Cebu International Airport matapos dumating mula sa Taipei sakay ng Starlux Airlines flight. Si Ibach ay nahatulan noong 2019 dahil sa pagkakaroon ng malaswang larawan ng isang menor de edad.
Kinabukasan, hindi naman pinayagan pang makapasok ng bansa si Eusebio Garcia Gallegos, 78 taong gulang, nang lumapag ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos dumating mula sa Guam sakay ng United Airlines flight. Si Gallegos ay nahatulan sa Texas noong 2003 dahil sa indecent acts kasama ang isang bata.
Habang noong August 5, hinarang din ang isang Clifton Lee Vaughan, 59-anyos, sa Terminal 1 ng NAIA mula sa Taipei sakay ng Eva Air flight, dahil sa hatol sa kanya sa Missouri noong 1983 dahil sa seksuwal na pang-aabuso sa isang bata.
Ipinahayag naman ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang mga foreign sex offender ay permanente nang pinagbabawalan na makapasok pa ng bansa sa ilalim ng Philippine Immigration Act dahil sa kanilang mga krimen na may kinalaman sa moral turpitude.
Inilagay na sa immigration blacklist ang pangalan ng tatlong American pedophiles pang matiyak na hindi na sila makakapasok sa bansa sa hinaharap. | ulat ni EJ Lazaro