Kinumpirma ni DFA Asec. Domingo Nolasco na inaayos na ng ahensya katuwang ang DBM ang kautusan para taasan ang halaga ng foreign service allowance.
Sa pagtalakay ng Kamara sa panukalang P27.4 billion na budget ng DFA para sa 2025, nausisa ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang ahensya kung may balak ba silang dagdagan ang foreign service allowance ng foreign service workers.
Aniya, malaki rin ang gastos ng foreign service workers sa ibang bansa dahil mataas ang cost of living doon.
Mayroon din panukalang batas si Rodriguez para magkaroon ng adjustment sa monthly pension benefits ng Foreign Service Officers.
Tugon ni Nolasco, mayroon nang binabalangkas na executive order ang DFA at DBM para dito.
Katunayan kasama na rin aniya ito sa 2nd year funding sa ilalim ng miscellaneous personnel benefit na nagkakahalaga ng kulang-kulang P900 million.
Huling nagsagawa ng review sa foreign service allowance noon pang 2013. | ulat ni Kathleen Forbes