Termino ng baranggay at SK officials, ipinapanukala na gawing anim na taon

Facebook
Twitter
LinkedIn

Inanunsiyo ni Speaker Martin Romualdez na itinutulak ngayon ng Kamara na gawing anim na taon ang termino ng mga Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) officials.

Sa pagharap ng House leader sa National Congress ng mga Liga ng Barangay, sinabi niya na inihain na ang House Bill 10747 o An Act Setting the Term of Office of Barangay and Sangguniang Kabataan Officials to 6 Years.

Maaari naman sila magsilbi ng dalawang magkasunod na termino.

Ayon kay Romualdez, sa ganitong paraan ay magkakaroon ng sapat na oras ang mga opisyal ng barangay na magplano at magpatupad ng pang matagalang programa para sa ikauunlad ng mga komunidad.

“Dahil dito, minabuti ko na mag-akda ng panukalang batas na layong gawing anim na taon ang fixed-term ng mga halal na barangay officials. Sa ganitong paraan, magkakaroon kayo ng sapat na oras upang magplano at magpatupad ng mga pang-matagalang programa para sa ikauunlad ng inyong barangay,” wika niya.

Tinukoy pa ng House Speaker ang makailang ulit na extension o pagpapalawig sa term of office ng BSK dahil sa nauurong ang halalan.

Umaasa rin si Romualdez, na sa hakbang na ito ay hindi na maaabala ang mga barangay sa isyung electoral at maitutuon ang kanilang buong atensyon sa serbisyo sa kanilang mga kabarangay.

“Sa loob ng anim na taon, hindi na kayo maaabala ng mga isyung elektoral at makakapagtuon kayo ng buong atensyon sa serbisyo sa inyong mga ka-barangay. Makakabuo tayo ng matatag na pamumuno sa barangay at masisigurong sustainable ang mga proyekto at programa,” dagdag niya.

Batay sa panukala ang susunod na BSK elections ay gagawin sa October 2029. | ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us