Isa sa mga hakbang ng DTI para mapalakas ang MSME sa bansa ay makipag-ugnayan sa Department of Migrant Workers.
Sa pagharap ng bagong acting DTI Secretary Cristina Roque sa budget briefing ng DTI sa Kamara para sa kanilang panukalang ₱8.6-billion na pondo, sinabi ni Roque na nakipag-usap siya kay DMW Secretary Hans Cacdac kung paano mahimok ang mga OFW na mag invest sa franchise business.
Aniya, sa laki ng remittance na ipinapadala ng mga OFW sa Pilipinas at ginagamit sa pagtatayo ng maliit na negosyo, karamihan dito ay maliit ang kita na nauuwi sa pagkalugi.
Kaya hinihimok na nila ngayon ang mga OFW na kumuha ng franchise ng mga Filipino business.
Madali lang kasi aniya magpatakbo ng franchise business at ang mother company na mismo ang tutulong at magte-training sa pagpapatakbo nito.
Sa loob lang din aniya ng 30 hanggang 60 araw ay maaari na mabuksan ang franchise business.
Maliban dito, kapag mas dumami ang franchise business ay magreresulta din ito sa pagdami ng trabaho. | ulat ni Kathleen Jean Forbes