Aminado ang Maritime Industry Authority (MARINA) na posibleng nalulusutan sila ng mga barkong hindi na pinapayagang makapaglayag sa karagatan.
Ito ay kaugnay ng lumubog na MT Jason Bradley na tumaob nitong July 26 sa Mariveles, Bataan na napag-alamang nagpalit lang ng pangalan at dati itong ‘Dorothy 1’ na napatawan na ng warrant of seizure.
Sa naging pagdinig sa Senado, sinabi ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na maaaring pinalitan lang ang pangalan ng ‘Dorothy 1’ para makalusot sa pananagutan.
Inamin naman ni MARINA Administrator Sonia Malaluan na wala silang impormasyon tungkol sa seizure order ng ‘Dorothy 1’ dahil wala silang kakayahan na i-monitor ang impormasyon ng mga barko tulad ng pagpapalit ng pangalan o ng ownership.
Sinabi ng MARINA na malaking hamon sa kanila ang pag-monitor sa mga barko dahil manual lang ang kanilang registration at wala silang kagamitan para mabantayan ang mga ini-isyung dokumento at operation ng mga barko.
Nitong July 1 pa lang aniya sinimulan ang digitalization sa kanilang sistema na maaari na ring ma-access ng Philippine Coast Guard. | ulat ni Nimfa Asuncion