Umakyat na sa 43 ang bilang ng mga nasawi dahil sa leptospirosis, kung saan 41 rito ay matatanda, habang dalawa ang bata.
Karamihan sa bilang na ito nagmula sa Metro Manila.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Health Asec. Albert Domingo na mula ito sa kabuuang 523 na mga kasong naitala ng DOH hospitals mula August 8 hanggang 13.
“Sa 523 na ito, 81%, samakatuwid ay 423 cases ang mga matatanda at 100 or 19% ang mga bata. Walo sa kanila iyong naka-mechanical ventilator, iyong humihinga sa makina, 243 are recommended for or baka nagda-dialysis na.” — Asec. Domingo.
Sa kabila nito, siniguro ng opisyal na sapat ang mga kama sa mga ospital na inilaan para sa mga pasyente na kakikitaan ng leptospirosis.
Kaugnay nito, nagpaalala ang opisyal na hindi lamang sa National Transplant and Kidney Institute (NKTI) at San Lazaro Hospital maaaring dalhin ang pasyente na nakararanas ng mga sintomas ng leptospirosis kundi maging sa iba pang DOH hospitals.
“Ang landline 8-531-00-37 o kaya cellphone number 0920-283-2758. Diyan po sa dalawang numero na iyan, malalaman po natin kung nasaan na ba iyong pinakabakante, kasi kaya po namin nabibigay iyong datos sa dami ng pasyente, kayang-kaya ng sistema nating malaman, saan ba, para bang navigation na sinasabi, patient navigation para maituro sa tamang ospital na may bakanteng kama, imbes na pumila.” — Asec Domingo. | ulat ni Racquel Bayan
📷: Joan Bondoc/PNA