Hindi pa panahon para bumalik sa dagat ang mga mangingisda sa lalawigan ng Cavite base sa rekomendasyon ng pamunuan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Environment ni Senadora Cynthia Villar, iniulat ni Atty. Angel Encarnacion ng BFAR na base sa pinakahuling sampling na ginawa ng BFAR-NCR ay may mga langis pa ring nakikita sa karagatan ng Cavite.
Sa ngayon ay hindi pa makapagbigay ng takdang panahon si Encarnacion kung kailan nila papayagan ang muling pangingisda sa Cavite.
Kailangan pa aniyang hintayin ang resulta ng test na kanilang gagawin kapag wala na ang langis na nakahalo sa tubig dagat.
Ang langis na ito ay pinaniniwalaang galing sa lumubog na MT Terranova noong kasagsagan ng Bagyong Carina at hanggang ngayon ay hindi pa nasisipsip ang laman nito na 1,400 tons ng langis.
Nauna nang nagbigay ng clearance ang BFAR para makapangisda para sa karagatan ng Bataan. | ulat ni Nimfa Asuncion