Isinusulong ni Senate Committee on Sports Chairperson Senador Christopher ‘Bong’ Go na mataasan ang insentibo ng gobyerno para sa mga para-athletes ng Pilipinas.
Inihain ni Go ang Senate Bill 2116 na layong amyendahan ang RA 10699 o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act para mai-upgrade ang insentibo para sa Pinoy para-athletes na lalaban sa international competitions.
Layon din ng panukala na makapagbigay ng patas na oportunidad at pagkilala para sa lahat ng ating mga atleta.
Binigyang diin ni Go na dapat ding kilalanin at bigyang halaga ang pagsisikap at dedikasyon ng ating para-athletes gaya ng kanilang mga counterpart sa katatapos lang na 2024 Paris Summer Olympics.
Nagtungo na ng Paris ang anim na Paralympians ng bansa kasama ang kanilang mga coach para sumabak sa 2024 Paris Paralympics na gagawin mula August 28 hanggang September 8.
Bago umalis ay una nang ginawaran ni Go at ng Philippine Sports Commission (PSC) ang Paralympians ng bansa ng tig-P500,000 na financial grant. | ulat ni Nimfa Asuncion