Bubuksan rin ng Department of Agriculture (DA) sa private operators o cooperatives ang Kadiwa franchising, upang mas maraming Kadiwa Stores ang maging accessible sa publiko.
Sa Malacañang Insider program, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na sa kasalukuyan, nasa 230 Kadiwa sites na ang nago-operate sa buong bansa.
Nasa 17 dito, nagpapatupad ng regular operation, na nadadagdagan pa kada buwan.
“Of course, hindi ganoon kadali iyon but we will also do Kadiwa franchising. We will allow private sector operators or cooperatives to use the Kadiwa name in selected sites as long as they abide by the rules and guidelines or policies of DA. At ang importante, nandiyan iyong mga Kadiwa at magbenta sa tamang halaga,” —Sec Laurel.
Magtatakda rin aniya ang pamahalaan ng standard operating hours and days, at ipapabatid ito sa publiko.
Sabi ng kalihim, kapag maayos at ganap na ang logistics para dito, iaakyat nila sa 800 hanggang 1,000 ang Kadiwa stores sa loob ng apat na taon.
“Kapag na-establish na naman iyong smooth logistics flow ng goods at saka iyong takbo ng transaksiyon ay i-eexpand na natin iyan in the next four years up to ang target ko is 800 to 1,000 stores,” —Sec Laurel. | ulat ni Racquel Bayan