Nilinaw ngayon ni Caloocan Mayor Along Malapitan na fake news o walang katotohanan ang kumakalat sa social media hinggil sa sinasabing serial killings o paggala ng isang serial killer sa Caloocan.
Ito’y matapos na makarating sa pamahalaang lungsod ang mga impormasyon sa social media hinggil sa isa umanong lalaki na bigla lamang nananaksak ng mga tao na kanyang makursunadahan.
Paglilinaw ng alkalde, ang nangyaring pananaksak sa area ng Morning Breeze ay isang isolated case at batay sa ulat ni Caloocan City Police Chief Colonel Paul Doles, love triangle o selos ang ugat ng insidente.
Kasalukuyan na aniyang nagsasagawa ng manhunt operation ang Caloocan City Police Station (CCPS) upang mahuli ang suspek ng krimen.
Gayunman, inatasan na rin ni Mayor Malapitan ang CCPS na paigtingin pa ang Police visibilty sa buong lungsod para sa ikakapanatag ng lahat.
Kasunod nito, nanawagan naman ang alkalde na liwasan ang pagpapakalat o paniniwala sa mga hindi beripikadong impormasyon o kwento. | ulat ni Merry Ann Bastasa