Naglabas na ang Quezon City local government ng Traffic Advisory para sa 2024 Bar Examinations na gaganapin sa University of the Philippines Diliman Campus sa September 8, 11, at 15, 2024.
Ayon sa pamahalaang lungsod, asahan na ang mabigat na trapiko sa mga kalsada malapit sa U.P. Diliman Campus partikular na ang: University Avenue, C.P. Garcia Avenue, Katipunan Avenue, at Commonwealth Avenue.
Inaasahan kasing sa mga kalsadang ito dadaan ang mga kukuha ng BAR Exam.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga motorista na dumaan muna sa mga alternatibong ruta.
Mananatili naman aniyang nakaantabay ang mga tauhan ng Traffic and Transport Management Department (TTMD) at Department of Public Order and Safety (DPOS) para maisaayos ang daloy ng trapiko sa nasabing lugar. | ulat ni Merry Ann Bastasa