Batay sa huling datos ng Department of Health (DOH), lumobo sa 523 ang mga bagong kaso ng leptospirosis sa bansa mula August 8 hanggang 13, o dalawang linggo matapos manalasa ang bagyong Carina at habagat.
Higit na mataas ito mula sa 255 kaso bago umalis ng bansa ang bagyo.
Mula sa 523 bagong leptospirosis cases, 43 ang namatay kung saan dalawa ang menor de edad.
Sa ngayon walo sa higit 500 bagong kaso ang gumagamit ng mechanical ventilator, habang higit 200 ang inirekomenda para sa dialysis.
Sa panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon tiniyak ni Health Spokesperson Albert Domingo ang kahandaan ng mga ospital na tumanggap pa ng pasyente ng leptospirosis matapos i-activate ang surge capacity plan.
Hinimok ni Domingo ang publiko na huwag dumugin ang NKTI at San Lazaro Hospital dahil may nakahandang kapasidad ang ibang ospital para sa mga bagong pasyente ng leptospirosis.
Maaari aniyang tumawag sa numerong 8531-0037 o 0920-283-2758 para malaman kung saang ospital maaaring dalhin ang mga pasyenteng may leptospirosis.
“Kung dati ang isang ospital ay sabihin natin, sa 100 kama, 10 lang ang nakalaan sa leptospirosis. Dinadagdagan yan, tinataasan yan, nagiging 20-30. Sa kaso naman ng NKTI imbes na 100 lang, nagdadagdag sila ng dagdag kama doon sa gym na malinis para magkaroon ng dagdag na kapasidad na tanggapin ang ating mga pasyente,” ani Domingo. | ulat ni Mike Rogas