Umusad na sa Senado ang panukalang pag-digitalize sa operasyon ng gobyerno matapos maihain ang committee report ng e-Governance Bill sa Senado, sa pangunguna ni Senate Committee on Science and Technology Chairperson Senador Alan Peter Cayetano.
Sa ilalim ng panukalang batas, inaatasan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na bumuo at i-update kada tatlong taon ang isang E-Government Master Plan, na magsisilbing “blueprint” sa pagbuo ng mga kakailangananin para sa pag-digitalize ng gobyerno.
Kapag naisabatas ang panukala, oobligahin ang gobyerno na gawing integrated at interoperable ang mga sistema, website, at mobile application nito.
Ibig sabihin, bibilis at magiging plantsado ang serbisyo ng gobyerno kabilang ang pagkuha ng mga legal na dokumento – gaya ng birth certificates, passports, business permits, at driver’s licenses.
Magkakaroon din ng Online Public Service Portal kung saan maaaring humingi ang kahit sinong Pilipino ng iba’t ibang impormasyon, magpagabay tungkol sa mga frontline service ng gobyerno, at magpadala ng mga reklamo at komento.
Bukod dito, bubuo rin ng isang electronic payment system kung saan na padaraanin ang lahat ng ayuda at bayarin sa gobyerno. | ulat ni Nimfa Asuncion
Photo courtesy of Philippine News Agency