Pagbuo ng cabinet tourism cluster, iminumungkahi ni Sen. Migz Zubiri

Facebook
Twitter
LinkedIn

Hinimok ni Senador Juan Miguel Zubiri ang economic team ng pamahalaan na imungkahi kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bumuo ng isang cabinet cluster na tututok sa turismo ng Pilipinas, at pagtutuunan ng pansin ang mga tinatawag na ‘crown jewels’ ng bansa gaya ng Siargao, Palawan at iba pang tourist destinations.

Pinalutang ni Zubiri ang ideyang ito sa naging budget briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senado, at matapos aprubahan ni Pangulong Marcos ang education cluster.

Sa isinusulong na tourism cluster ng senador, iminungkahi nitong maisama ang Department of Tourism (DOT), Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH), at Department of Energy (DOE) para matugunan ang mga isyu sa turismo.

Kabilang sa mga pinuntong isyu ng senador ay ang suplay ng kuryente sa mga kilalang puntahan ng turista, gaya na lang ng Siargao.

Kaya naman itinutulak rin ni Zubiri ang pagbuo ng isang tourism masterplan para masolusyunan ang ganitong mga problema.

Sinang ayunan naman ni Finance Secretary Ralph Recto ang mambabatas, at sinabing malaki ang maitutulong ng tourism industry sa ekonomiya ng bansa kung bubuhusan ito ng pamahalaan. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us